LABINLIMANG BUWANG HIWALAY
Mainit na sikat ng araw ang pumapasok sa mga bintana sa hapong tahimik at tila hindi mapakali sa pagkakahiga dahil sa tindi ng pagkabalisa. Wari'y nangangati ang mga talampakan at handang i-suot ang mga tsinelas upang tuluyang makalaya sa kainipan. Yan ang nararamdaman ko sa araw na ito dahil gusto kung lumayas.
Sadyang kay buti ng araw na ito dahil tila may isang anghel na bumulong sa taong ito ng mag-message sa aming group chat upang itanong kung holiday nga ba sa January 30, 2023. At dito na pumasok ang aking suhesyon na lumabas kaya tayo upang magkita-kita. Isa lang ang kumasa sa hamon at ito ay ang nag-iisang Reyna.
Tila pumalakpak ang aking tenga ng mabasa ang kanyang tinuran na sasama siya para matuloy lang ang pagkikita sa LABINLIMANG BUWANG HIWALAY.
Vermosa Starbucks ang tagpuan, ika-5 at kalahati ng hapon. Idadaos ang tila hindi matuloy tuloy na gawain bilang magkakasama. At ito na nga, matapos ang paghihintay andiyan na nag Reyna na may pasalubong na ngiti na karaniwang dala ng mga taong matagal na hindi nagkikita. Nagsimula ang kwentuhan habang pumapasok sa pintuan, naghanap ng lamesa, nag-order ng mga inumin na may kasamang nakabubusog na mga tinapay. Tila biyaya ang dala ng Reyna dahil libre ang lahat ng ito. Sabik na sabik sa kwentuhan, tawanan, at kumustahan. Binalikan ang nakaraan at kwentuhan ng kasalukuyan ang tema ng usapan. Hindi mawawala ang mga giliw sa mga mata dahil masaya ang bawat isa sa anong meron sila. Malaki talaga ang ambag ng orasan, dahil tila hindi namamalayan na mahigit isang oras na ang usapan na tila titigil lamang tuwing iinom at kakain ng pagkaing nakalagay sa lamesa sa harap nila.
Hindi nakuntento at pumunta pa sa Food Bazaar na kahilera lamang ng Starbucks at doo'y nag-ikot ikot upang kumain ng maalat-alat na pagkain dahil sa umay na dala ng matatamis na tinapay. Masaya! Fries lang at siomai ay sapat na para ituloy ang naudlot na kwentuhan. Andiyan ang banda at tila bumubuka ng mga bibig upang sabayan ang awit nila. Syempre, hindi mawawala ang pagkuha ng mga larawan na magpapa-alala sa mga ngiti at sabik nang pagkikita.
Mahigit apat na oras ng puro ligaya at talagang sinabayan pa ng paghatid sa kanto papasok sa tirahan upang makasiguradong maayos na makauwi. Ang mga plano sa mga susunod na pagkikita ay hindi mawawala na talagang nagbibigay ng enganyo sa bawat isa.
Talagang masaya ang araw na ito.
Maraming salamat, kaibigan! Taya ka man ngayon ako naman ang susunod.
-Your Guiding Star
Comments
Post a Comment