PAYAPANG ISIPAN
Madilim na kalangitan ang tila nakiki-ayon sa lungkot na dala ng panahon. Tila nagpapahiwatig na wala talagang permanenteng kasiyahan. Mga pakiramdam na lungkot na tila pahina ng libro na nagbubukas tuwing gusto mo nang buksan. Hindi madali ang ganitong pakiramdam na naging daan upang umiwas. Mga Linggong hindi magpadala ng mga mensahe at mga kwentuhang nakatatawa na nakakapagbigay ng saya sa bawat isa kahit anong oras pa. Mga panahong nagsasama para kumain ng kung ano-ano upang maituloy lang ang usapan.
Ano nga ba ang nagbago? Sino ba ang may kasalanan? Aaminin ko na ako ang umiwas dahil natatakot ang isip ko na panandalian lang ang lahat. Mga agam-agam na magdadala ng lungkot o labis na pighati na nagpapa-alala ng iyong paglisan. Marahil ay naramdaman mo at naging kaswal na lamang ang lahat. Sinusubukan ko naman, pero sa ngayon pipiliin ko muna ang payapang isipan. Nawa'y maunawaan mo sa pagdating ng panahon, kung bakit parang pinunit ko ang ibang pahina ng ating libro upang hindi na maituloy pa ang kwento.
Nanalangin pa rin na sana mali ako at bumalik sa ating dating kasiyahan na walang iniisip na oras na umaandar at tila saya lang ang hatid. Hanggang dalangin na lang nga ba? Ewan? Hindi ko rin alam ang sagot. Gusto man kita makita, pero alam kung mas mahihirapan lang ako. Wala eh. Magkaiba talaga ang paksa na nakasulat sa ating mga hinaharap. Malay natin. Hindi malinaw. Pero labis na saya ang nadala mo sa mga araw na tayo ay magkasama. Wala lang. Tingnan natin kung kakayanin natin ang ganitong ikot ng mga gulong ng ating kapalaran.
Kung mabasa mo 'man ito, labis ang aking pagpapasensya, pero sana 'wag mong baguhin ang ugali mo. Ikaw pa rin sana 'yung taong nakilala ko na masiyahin at magutumin. Hahaha. Kung mahulaan mo na ikaw 'man ito, unawain mo na lang ako.
Ganun nga 'ata talaga ang buhay.
Comments
Post a Comment